13

Aug 6, 2020 @ 18:23
By

Lotto balik operasyon na sa GCQ, MGCQ areas

Balik na ang operasyon ng lotto simula Agosto 7 sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ).

Sa inilabas na public advisory ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), simula Biyernes ay sisimulang muli ang pagbola at pagbebenta ng mga tiket ng Lotto 6/42, Mega Lotto 6/45, Super Lotto 6/49, Grand Lotto 6/55 at Ultra Lotto 6/58.

“Effective August 7, 2020, the draws and selling of tickets of lotto jackpot bearing games, Lotto 6/42, Mega Lotto 6/45, Super Lotto 6/49, Grand Lotto 6/55 and Ultra Lotto 6/58 shall resume in areas under General Community Quarantine (GCQ) and Modified General Community Quarantine (MGCQ),” saad sa inilabas na public advisory ng PCSO Huwebes ng hapon.

Nabatid na ang selling period ng tiket nito ay mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi habang ang pagbola dito ay isasagawa naman ng alas-9:00 ng gabi.

Samantala, nilinaw naman ni PCSO General Manager Royina Garma na suspendido pa rin ang lahat ng PCSO games sa mga lugar na nananatili pa rin sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) at enhanced community quarantine (ECQ). Hindi pa rin ibinabalik ng PCSO ang operasyon ng small town lottery (STL).

Matatandaang una nang ikinasa ng PCSO ang muling pagbabalik ng limitadong operasyon ng lotto noong Agosto 4 ngunit matapos ang deklarasyon ng pamahalaan na isailalim muli sa MECQ ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal, ay nagdesisyon ang ahensiya na muli itong suspendihin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?