124
arrested
Dec 2, 2017 @ 16:18
By

Lotteng collector arestado sa panunuhol

Hindi akalain ng isang umano’y kolektor ng iligal na sugal na lotteng na makakasama niya sa kulungan ang nahuli niyang tauhan nang suhulan nito ang mga umarestong pulis sa loob mismo ng presinto sa Cubao, Quezon City kamakalawa.

Ang suspek na si Zosimo Golpo, 58, residente ng Barangay San Roque, Cubao, Quezon City, ay nahaharap sa kasong bribery matapos na alukin niya ng P3,000 suhol ang mga pulis ng Quezon City Police District (QCPD)-Station 7 (Cubao), na pinamumunuan ni P/Supt Louise Benjie Tremor, kapalit ng pagpapalaya sa kanyang kaibigang si Victor dela Cruz.

Sa ulat, dakong alas-dos ng madaling-araw nang arestuhin si Golpo sa loob ng Cubao Police Station, na matatagpuan sa Camp Panopio, P. Tuazon Boulevard sa Brgy. Kaunlaran, Cubao.

Nagpunta umano si Golpo sa presinto nang mabalitaang inaresto si Dela Cruz dahil sa pagkakasangkot sa lotteng, na isang iligal na sugal. Dito na inalok ni Golpo ang mga pulis ng P3,000 na suhol para palayain si Dela Cruz.

Subalit sa halip na makalaya si Dela Cruz ay kasama na siya nito sa piitan.

Lingid sa kaalaman ni Golpo na ang pagkuha niya sa kanyang bulsa ng nasabing halaga, pansamantalang itinago sa kamay at pasimpleng inipit sa isang bagay na nakapatong sa mesa ng kausap na pulis ay kinukunan na ng nakatagong camera.

Idinahilan naman ni Golpo na hindi niya sinusuhulan ang kausap na pulis at ang kanyang ibinibigay na pera ay pang-kape lamang ng mga pulis na nakatalaga sa Cubao Police Station 7. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?