47
delfin-lorenzana
Dec 5, 2018 @ 16:09
By

Lorenzana tutol sa holiday ceasefire

Matamlay si Defense Sec. Delfin Lorenzana sa ideya na pansamantalang matigil ang opensiba ng mga sundalo laban sa mga rebelde sa ngalan ng Kapaskuhan.

Katuwiran ni Lorenzana sa kanyang posisyon, maraming rebelde na ang sumusuko at aniya kapag nagkaroon ng tigil-putukan ay posibleng magkaroon ng pagkakataon ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na magpalakas ng puwersa.

Dagdag nito, kapag nangyari ito, ang mga napapanghinaan na ng loob at handa nang sumuko ay maaaring makumbinsi na muling makibaka laban sa gobyerno.

Nabanggit din ng opisyal na may mga ulat na nagsimula nang magpalakas ng puwersa ang NPA bilang paghahanda sa kanilang ika-50 anibersaryo sa Disyembre 26.

Aniya, ang binabalak ng NPA ay bonggang selebrasyon.

Sinabi ni Lorenzana na malaya namang makakapagdiwang ang mga sumusuporta sa NPA ngunit hindi dapat aniya makompromiso ang seguridad at kapayapaan.

Ito aniya ang dahilan kaya’t kontra siya anuman ang binabalak na pagdedeklara ng “holiday ceasefire” at sa katunayan ilalagay pa sa red alert status ang mga sundalo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?