70
Lorenzana: Territorial defense ng Pinas vs China, very weak
Aug 27, 2019 @ 19:08
By

Lorenzana: Territorial defense ng Pinas vs China, very weak

MANILA – Aminado si Defense Sec. Delfin Lorenzana na walang kapasidad sa ngayon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na depensahan ang karagatan ng Pilipinas laban sa bagsik at pananakop ng Tsina.

Sa pagdinig ng House Committee of Appropriations para sa panukalang P183.3 bilyong budget para sa Department of National Defense, iginiit ni Lorenza na hindi sapat ang kagamitan ng AFP upang tapatan ang bangis ng People’s Liberation Army-Navy (PLA-N) kung sakaling magsagawa sila ng malakihang pananakop sa mga pinag-aagawang isla sa South China Sea.

“Currently, we only have a very small capability to react to these intrusions because our territorial sea is very vast and we only have a few equipment,” sagot ni Lorenzana sa tanong ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor kung nakahanda ba ang Sandatahang Lakas at kaya ba nilang protektahan ang teritoryo ng bansa.

Nabanggit ni Defensor ang nasabing tanong matapos ang mga napaulat ng paglalayag ng mga Chinese warship sa Sibutu Passage.

Ayon kay Lorenzana, “very weak” o sobrang hina ng kakayanan ng Pilipinas na ipagtanggol ang karagatang nakapaloob sa teritoryo dahil sa kakulangan ng “coast guard assets” na magpapatrolya sa Sibutu Passage na nasa pagitan ng Tawi-Tawi at Sabah, Malaysia.

Inilahad kamakailan ni Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana ang mga namataan na Chinese warship at surveillance vessel sa timog kanlurang bahagi ng bansa.

Ayon kay Sobejana, hindi bababa sa tatlong beses na namataan ang mga nasabing Chinese vessel ngayong buwan ng Agosto.

Giit naman ni Lorenzana na hindi lamang ang Tsina ang umaaligid sa Sibutu Passage dahil ang mga barkong pandigman ng mga bansang kagaya ng Estados Unidos, New Zealand, Australia, Britain, Japan at Russia ay umaaligid din sa nasabing lugar.

“Nakakapagtaka sa Sibutu Strait, daan nang daan,” paliwanag ni Lorenzana.

Tiwala naman ang kalihim na sa patuloy na pagbili ng mga bagong gamit sa pamamigitan ng AFP modernization program ay mas bubuti ang pagbabantay ng AFP sa teritoryo ng bansa.

Aabot sa P25 bilyon ang ilalaan ng pamahaalan para sa AFP modernization program sa ilalim ng 2020 National Expenditure Program (NEP).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?