55

Apr 4, 2021 @ 16:43
By

Lorenzana: China lantaran pananakop sa West PH Sea

Patuloy ang banatan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at Chinese Embassy sa Manila dahil sa mistulang pagmamatigas ng China sa mga nakapuwestong barko sa Julian Felipe Reef.

Giit ni Lorenzana, ang patuloy na pagtambay ng mga Chinese militia ship sa karagatan ng Pilipinas ay pagpapakita ng motibo na nais nilang sakupin ang West Philippine Sea.

“The continued presence of Chinese maritime militias in the area reveals their intent to further occupy features in the West Philippine Sea,” saad ni Lorenzana.

Matatandaan na dinahilan ng Chinese Embassy na ang presensya ng mga barko mula China ay dahil parte umano ng Nansha Island and Julian Felipe Reef, na kanilang tinawag na Niu’e Jiao.

Ito’y matapos sitahin ni Lorenzana ang China kung saan pinapaalis ng kalihim ang 44 pang Chinese vessel na nakalaot sa Julian Felipe Reef.

Patama pa ng opisyal, dati nang ginawa ng China ang umano’y pambabraso sa Panatag Shoal at Panganiban Reef, na aniya’y isang malinaw na paglabag sa soberanya ng Pilipinas at international law.

“As a party to the DOC (Declaration of Conduct), China should refrain from conducting activities that disturb regional and international peace and security,” saad pa ng defense secretary.

Ang DOC na tinutukoy ni Lorenzana ay ang kasunduhan ng China at mga bansang miyembro ng ASEAN na magkaroon ng mapayapang pag-uusap sa agawan ng teritoryo sa South China Sea.

Lahad pa ni Lorenzana, walang basehan ang nine-dash line na panukat ng China sa kanilang mga teritoryo, at giniit na dapat respetuhin ng naturang bansa ang Pilipinas.

“China should respect Philippine sovereignty over the Kalayaan Islands, and its sovereign rights over its exclusive economic zone as defined by UNCLOS and affirm by the arbitral award,” saad pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?