562

By

Lorenzana, Bello pinagtripan ni Duterte sa harap ng mga negosyante sa China

Sa kabila ng pagiging pormal ng okasyon ay nagawang magbiro si Pangulong Rodrigo Duterte at binuska ang ilan sa kaniyang mga gabinete sa isa sa kaniyang naging aktibidad sa Beijing, China.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga negosyante matapos saksihan ang lagdaan ng mga kasunduan Huwebes ng gabi, isa-isang ipinakilala ng Pangulo ang kanyang mga gabinete na aniya ay pawang mga matatalino at mapagkakatiwalaan.

Ilan aniya sa mga ito ay naging kaklase niya noong nag-aaral pa sa abogasya kaya nakatitiyak siya na hindi gagawa ng katiwalian sa gobyerno.

Sinabi ng Pangulo na ilan sa kanyang mga gabinete tulad nina Finance Secretary Carlos Domingo III at Transportation Secretary Arthur Tugade ay mga bilyonaryo kaya tiwala siyang hindi masisilaw pa sa salapi.

Si Defense Secretary Delfin Lorenzana ayon sa Pangulo ay magaling na retiradong heneral kaya’t hiniling na iwanan muna ang CIA (Central Intelligence Agency) para tulungan siyang magpatakbo sa gobyerno.

“When I became President, he was working, living in Washington D.C. and I said, ‘leave the CIA and join me in my government’,” biro ng Pangulo.

Hindi rin nakaligtas sa pambubuska ng Presidente si Labor Secretary Silvestro Bello na hindi naman aniya mahirap pero hindi pa niya nakitang nagsuot ng medyas simula pa noong estudyante sila.

“I have my Labor secretary. Well, he was son of a judge. Not really poor, but not rich. But for the life of me, ever since, I have yet to see him with socks in a shoes. I don’t know why,” dagdag pa ng Pangulo.

Pero sa kabila aniya ng mga ito, tiniyak ni Pangulong Duterte sa mga Chinese businessman na makakasiguro ang mga ito na walang korapsiyon sa kanyang gobyerno hangga’t siya ay nakaupo sa puwesto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?