116

By

Lookout bulletin vs mga sangkot sa P8.7-B road-right-of-way, inilabas na

Sharing is caring!

Naglabas na ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang Department of Justice (DOJ) laban kina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson at Department of Budget and Management (DBM) Secretary Florencio ‘Butch’ Abad at sa 41 iba pa kaugnay ng nabunyag na P8.7 bilyong road-right-of-way (RROW) scam.

Kasama rin sa lLBO ang sinasabing mga pasimuno ng sindikato na sina Wilma Mamburam, Col. Chino Mamburam, Mercedita Dumlao at Nelson Ti na sinasabing financier ng grupo at umano’y malapit kay dating Pangulong Benigno Aquino III.

Ang apat na pahinang ILBO ay pirmado ni DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II.

Kaugnay nito, inaatasan ng DOJ ang lahat ng mga immigration officer na maging mapagmatyag sakaling mamataan ang mga personalidad na nasa ILBO sa mga immigration counter sa mga international airport at seaport.

Iniutos din ng DOJ sa Bureau of Immigration (BI) na makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI) para kumalap ng karagdagang impormasyon kaugnay ng mga nasabing indibiduwal.

Sakali umanong tangkain ng mga ito na lumabas ng bansa, dapat umanong makipag-ugnayan agad ang BI sa DOJ at sa NBI.

“Take all other appropriate actions, including, but not limited to, coordinating with other concerned offices and agencies, and even airlines, especially since international passengers are customarily required to check-in within a specified number of hours before flight,” ang bahagi ng ILBO.

Modus umano ng mga sangkot sa scam ang pagsusumite ng mga pekeng titulo ng lupa sa mga private property na pagtatayuan umano ng proyekto ng gobyerno para makakuha sila ng claim mula sa DPWH.

Nauna nang tinukoy ni Aguirre na ayon sa hawak nilang testigo sa scam, inaprubahan ni Singson ang mga hiling na kabayaran para sa mga pekeng claim, habang inaprubahan naman ni Abad ang pagpapalabas ng pondo para sa pekeng claim sa road-right-of-way.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?