153

By

Lookout bulletin sa mga sangkot sa P8.7B road-right-of-way scam, ilalabas na

Inaasahang magpapalabas ang Department of Justice (DOJ) ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa mga pinaghihinalaang sangkot sa nabunyag na P8.7 billion road-right-of-way (RROW) scam

Ang modus operandi ay kinasasangkutan ng mga pekeng claims para sa RROW sa mga lugar sa General Santos City na pagtatayuan ng mga proyekto ng gobyerno.

Kasama sa mga nauna nang pinangalanan ni DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II sina Dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson at dating Department of Budget and Management (DBM) Secretary Florencio Abad.

Ayon kay Aguirre, hawak na ng DOJ ang testigo sa nasabing scam na ang modus ay ang pagsusumite ng mga pekeng titulo ng lupa sa mga private property na pagtatayuan umano ng proyekto ng gobyerno para makakuha sila ng claim mula sa DPWH.

Pero kasama umano sa mga pinangalanan ng testigo na sangkot din sa scam ay si Nelson Ti, na financier umano ng grupo at sinasabing malapit na kaibigan ni Dating Pangulong Benigno Aquino III, gayundin sina Wilma Mamburam, Col. Chino Mamburan at Merceditas Dumlao.

“Some of the persons named by our witness as being involved are Wilma Mamburam, Col. Chino Mamburan, Merceditas Dumlao and Nelson Ti. Our witness further revealed that Mr. Nelson Ti, the financier of the group is a close relative of Domingo Lee, Philippine Envoy to China and is supposedlt close to former President Benigno Aquino III,” saad ni Aguirre.

Nang tanungin kung ilalagay din ba ng DOJ sa ILBO ang iba pang pinangalanan na umano’y sangkot sa sindikato, tugon ni Aguirre, “most probably.”

Layunin ng ILBO na mabantayan ang galaw ng mga nasabing personalidad sakaling tangkain nila na lumabas ng bansa.

Inilahad pa ni Aguirre na inilagay na rin sa provisional coverage ng Witness Protection Program (WPP) ang testigo sa scam.

Inatasan na rin ng DOJ ang NBI para imbestigahan ang modus at tingnan ang posibilidad kung ito na ay naganap din sa ibang bahagi ng bansa. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?