244

Dec 27, 2017 @ 16:51
By

Lolong taxi driver kinatay ng pasahero

Tinadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang lolong taxi driver ng holdaper na nagpanggap na pasahero sa Quezon City kaninang ng madaling-araw.

Kinilala ni P/Chief Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktimang si Tomas L. Padriguez, 60-anyos, at residente ng No. 37 Rose St., Reparo Baesa, Caloocan City. Siya ay namatay sanhi ng tinamong malalalim na saksak sa katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Ronnie Ereneo, ng CIDU-QCPD, ang insidente ay naganap dakong alas-4: 15 ng madaling-araw nitong Miyerkules sa Data St., Brgy. Don Manuel ng nasabing lungsod.

Batay sa pahayag ng mga nakasaksing istambay na nakilalang sina Russel Asistol at Renzo Matias, nagkukuwentuhan umano sila nang bigla na lamang bumangga ang minamanehong EFE taxi ng biktima na may plakang UWB-470 sa gutter at nahagip pa ang kotseng Hyundai na may plakang (POB-695) na nakaparada sa nasabing lugar.

Doon ay nakita nila ang isang lalaki na may taas na 5’6” at nakasuot ng itim na jacket ang lumabas mula sa likuran ng taxi at nagmamadaling tumakbo patungong Cordillera St., ng nasabing barangay.

Pagkatapos ay sumunod namang bumaba mula sa driver’s seat ang matandang taxi driver na noon ay duguan na pasuray-suray at lumipat sa likuran ng minamanehong taxi.

Agad na humingi ng tulong ang mga nakasaksi sa insidente sa malapit na barangay na siya namang nag-report sa pulisya ng naganap na krimen. Isinugod sa malapit na ospital ang biktima subalit hindi na ito umabot nang buhay.

Nasamsam ng mga nagrespondeng tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng QCPD na pinamumunuan ni P/Chief Insp. Nellson Sta. Maria sa pinangyarihan ng krimen ang 7 inches folding knife na may bahid pa ng dugo at tsinelas na umano’y pag-aari ng nakatakas na suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?