29

By

Lolong taxi driver itinakas ang pinapasada

Sharing is caring!

Isang matandang lalaki ngayon ang wanted sa kasong carnapping matapos na hindi nito ibalik sa may-ari nang mahigit isang linggo mula nang kanyang ipasada sa unang pagkakataon ang taxi sa Lungsod ng Malabon.

Sa ulat ng Malabon City Police ay ganap umanong alas-6 pasado nang gabi nang magtungo sa kanilang himpilan ang biktimang si Rustico Masayon, 48-anyos, may asawa ng Sitio Jasmin, Barangay Niugan ng nasabing lungsod na operator ng EasyRide Taxi na nakapangalan sa kanyang misis na si Estetita Masayon upang ireklamo ang suspek na si Enrique Malicse, 73-anyos, taxi driver ng nasabi ring lugar.

Ayon sa biktima ay mula pa umano noong Setyembre 3 ngayong taon nang kunin ni Malicse ang taxi na isang unit nila ng Toyota Vios na may plakang UWF 993, napagkasunduan nilang may boundary na P1,000 sa isang araw. Mula umano noon ay hindi na bumalik ang suspek at nang tangka nila itong kontakin sa ibinigay niyang numero ay hindi nito umano sinasagot hanggang sa tuluyan nang hindi na makontak.

Doon na sila nagpasyang mag-asawa na tuluyan nang ireklamo ang suspek, sa ngayon ay naka-alarma na ang nasabing sasakyan at kasama na sa hot car ng pulisya, kasalukuyan na ring pinaghahanap ang suspek na hindi pa rin umano makontak mapasa hanggang ngayon.

Ayon pa sa pulisya ay kapag hindi kaagad nahanap ang nasabing sasakyan ay posible umano itong magamit sa ilegal na gawain katulad ng pangho-holdap o get away car ng mga masasamang loob.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?