266

Oct 9, 2017 @ 13:19

Lolong nangmolestiya ng 12 anyos na bata, kalaboso

Isang matandang lalaki ang inaresto ng pulisya matapos na ireklamo ng ina ng isang batang babae na kanyang kapitbahay ng pangmo-molestiya sa Lungsod ng Caloocan Linggo ng hapon.

Ganap umanong alas 3:00 pasado ng hapon nang maganap ang insidente sa malapit sa bahay ng suspek na si Benjamin Cuaresco, 70 anyos sa Camarin Road, Barangay 185 ng nasabing lungsod.

Hinahanap umano ng ina ng biktimang itinago sa pangalang Jolene, 12 anyos ang anak nang may magsumbong umano sa kanya ang mga kapitbahay rin nilang kabataan na kasama ito ng suspek at hinihipuan.

Agad niyang tinungo ang kinaroroonan ng anak at doon na nga nahuli ang suspek sa malaswang pinaggagawa sa biktima, mabilis niyang kinuha ang anak at humingi ng saklolo sa kanilang barangay dahilan upang agarang maaresto ang suspek.

Hindi naman itinanggi ng suspek ang paratang sa kanya at sinabing kaya niya lamang umano iyon ginawa sa biktima ay dahil mahal na mahal niya umano ang bata at gusto niya umano itong makasama at pakasalan.

Sinampahan ang suspek ng kasong acts of lasciviousness in relation to RA 7610 o special protection againts child in abuse, exploitation and discrimination act. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?