22

By

Lolong nag-amok, nasaksak ang anak

Sharing is caring!

Nagtalo ang mag-asawa hanggang sa mauwi sa pananakit na kung saan ay nasaksak ng lalaki ang kanyang anak nang tangkaing awatin ang pananakit sa ina, habang dalawang kapitbahay na pulis naman ang umawat at inambahan ng saksak sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City.

Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si Clarito Samadilla y Macanlalay, 72-anyos, residente ng Block 38, Welfareville Compound, Barangay Addition Hills, Mandaluyong City.

Nakilala ang mga biktima na sina Marilyn Camar, 51-anyos, asawa ng suspek, anak na si Adrian Camar, 23-anyos, kapitbahay na sina PO1 Rodel Raganit at PO1 Benjamin Soriano, kapwa residente ng Welfareville Compound.

Naganap ang insidente bandang alas-10 ng umaga sa compound nang magtalo ang mag-asawa sa hindi malamang dahilan hanggang sa mauwi sa pananaksak na kung saan ay tangkang saksakin ng suspek ang asawa nang makita ng anak at awatin ang dalawa hanggang sa matamaan ng saksak ang anak sa kanang balikat.

Ayon sa anak, palagi umanong nag-aaway ang kanyang mga magulang sa hindi malamang dahilan hanggang sa umabot sa punto na may saksakan nang magaganap.

Nasaksihan ng kanilang kapitbahay na pulis ang insidente na kung saan ay tinangka nilang awatin ang suspek subalit maging sila ay inambahan ng saksak ng matandang suspek.

Naawat naman ang suspek matapos na masugatan ang pulis na biktima at dinala na ito sa Mandaluyong police station at nakumpiska mula sa suspek ang isang patalim.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Mandaluyong detention cell at nahaharap sa mga kasong alleged attempted homicide, direct assault at paglabag sa BP 6 o possession of deadly weapon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?