77
Lolong basurero pinaslang sa QC
Jun 5, 2019 @ 14:36
By

Lolong basurero pinaslang sa QC

Mistulang ginawang agahan ng iba’t ibang uri ng insekto ang duguang katawan ng 62-anyos na lolong basurero nang matagpuan sa isang subdivision sa Barangay Commonwealth, Quezon City nitong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ni P/Captain Juan Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang biktima na si Arturo Delos Angeles, may asawa, tubong Calauag, Quezon at residente ng Purok 12, Litex Road, Brgy. Commonwealth.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg. Juvy Fallesgon, alas-5:30 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa bakanteng lote sa Don Severino sa kanto ng Cynthia, Dona Carmen Subdivision sa Brgy. Commonwealth.

Isa umanong residente ng subdivision na nagdya-jogging ang nakapansin sa nakalugmok na matanda sa bakanteng lote na pinuputakti na ng iba’t ibang insekto kaya agad niya itong ini-report sa mga opisyal ng barangay.

Nang malamang may pulso pa ang lolo ay agad itong isinugod sa Quezon City General Hospital subalit binawian din ng buhay dakong alas-11:00 ng umaga sanhi ng tinamong malaking sugat sa pisngi at mga pasa, ayon sa attending physician na si Dr. Kris David Abiqui.

Ayon sa pulisya, posibleng binugbog ang biktima makaraang makitaan ng mga malalalim na sugat at pasa sa katawan.

Aalamin din ng mga awtoridad kung nakunan sa CCTV sa loob ng subdivision ang tunay na pangyayari upang makilala ang suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?