77
gun
By

Lolo niratrat ng tandem sa harap ng asawa, apo

Nasawi ang 53-anyos na lolo matapos pagbabarilin ng riding in tandem na lulan ng motorsiklo sa harapan ng asawa at apo nito, Huwebes ng hapon sa bisinidad ng Mandaue Hall of Justice sa nasabing lungsod.

Dead on the spot dahil sa tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Teodoro Mijares, ayon kay Police Staff Sergeant Eracleo Cebuco ng Mandaue City Police Office Precint 2.

Sa ulat ng pulisya, alas-4:10 ng hapon nang maganap ang insidente sa bisinidad ng Mandaue Hall of Justice na matatagpuan sa Barangay Tipolo ng nasabing lungsod.

Pauwi na sana ng kanilang bahay ang biktima kasama ng kanyang asawa at 7-anyos na apo galing sa Mandaue City Regional Trial Court Branch 56 matapos magpiyansa sa kasong illegal possession of firearms nang mahuli siya ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group Central Visayas noong nakaraang taon.

Subalit hindi pa sila nakakalayo nang hintuan sila ng riding in tandem na pawang nakasuot ng full face helmet.

Naglabas ng baril ang backrider nito at tinutukan ang biktima. Sa kabila ng pagmamakaawa ng matanda ay ilang ulit pa rin itong pinagbabaril ng isa sa suspek sa harapan ng asawa at apo nito.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang iniwang wala nang buhay ang biktima.

Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang kaso gayundin kung mayroong kopya ng CCTV sa lugar upang makita ang pangyayari.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?