130

Jul 30, 2018 @ 11:50
By

Lolo natagpuang patay sa apartelle

Natagpuang patay ang 68-anyos na lolo matapos na mag-checked in kasama ang isang hindi kilalang babae sa isang apartelle sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang natagpuang patay ay nakilalang si Juan Canal Pineda Jr., 68-anyos, may asawa, tricycle driver, at residente ng No. 71-B Cenacle Drive, Sanville, Brgy. Culiat, Quezon City.

Si PIneda ay natagpuang wala nang buhay dakong alas-6:30 ng gabi sa room 514 Longhorn apartelle na matatagpuan sa No. 82 Mindanao Ave., Brgy. Proj 6, QC, ng roomboy na nakilalang si Juneril Bunsit.

Batay sa pahayag ng roomboy kay PO2 Julius P. Raz, ng CIDU-QCPD, dakong alas-4: 29 ng hapon nang pumasok sa nasabing apartelle ang biktima na may kasamang hindi pa nakikilalang babae.

Bandang alas-5:35 ng hapon ay nakitang nagmamadaling lumabas ang babae sa apartelle subalit hindi umano ito nila sinita sa pag-aakalang may bibilhin lamang sa labas.

Ayon sa roomboy, dakong alas 6:30 ng gabi nang mapadaan siya sa kuwartong inokupahan ng biktima ay narinig nito ang malakas na lagaslas ng tubig kaya kinatok niya umano ito.

Subalit nang wala umanong nagbubukas ng kuwarto ay kinuha niya ang duplicate key at binuksan ang pinto at doon ay nakita niya na nakahandusay at wala nang buhay ang matanda sa loob ng banyo.

Agad na ipinagbigay-alam ng roomboy sa kanilang guwardiya na si Alicia Aguilar ang insidente na siya namang nagreport sa kanilang barangay at tumawag sa himpilan ng pulisya.

Ayon naman kay Police Chief Insp. Nellson Sta Maria ng SOCO, wala namang nakitang xeternal injury sa labi ng biktima, kaya’t posibleng atake sa puso ang ikinamatay nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?