184

By

Lolo na misyon umanong patayin si Duterte, Go arestado

Isang 90-anyos na lalaki ang dinakip matapos makumpiskahan ng baril na walang lisensiya at mga bala sa Chavez St., Davao City noong Pebrero 11.

Ayon sa report, nakuha sa dalang sling bag ni Bambaran Bantog, 90, residente ng Tamparan, Lanao del Norte, dakong alas-5:45 ng hapon ang isang John M Browning Colt .45 ACP pistol na may Serial No. C10138 at magazine.

Sa inisyal na imbestigasyon, pumasok umano si Bantog sa loob ng opisina ng Special Assistant to the President at naghintay sa waiting area sa lobby nang maghinala ang sundalo na nakatalaga sa nabanggit na tanggapan sa kanya dahil sa kulay camouflage ang dala nitong backpack at sumbrero.

Dito nagsiyasat ang sundalo sa backpack ng matanda pero wala siyang nakitang anumang bagay kaya hinayaan niya ang suspek na maupo at inalok pa ng pagkain.

Pero naghinalang muli ang sekyu nang magkamot ng kanyang tagiliran ang matanda kaya ipinataas ang t-shirt nito at dito nakita ang baril na nakatago sa kanyang sling bag.

Maliban sa baril ay nakumpiska rin umano sa suspek ang dalawang kutsilyo at gunting.

Nasa kustodiya na umano ang suspek ng Sta. Ana Police Station.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong illegal possession of firearm, deadly weapon at paglabag sa gun ban laban sa matanda.

Inamin umano ng suspek na pakay nitong patayin sina Pangulong Rodrigo Duterte at Bong Go.

Sa kanyang Twitter kinumpirma naman ni Go ang naturang insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?