11
drug-den
By

Lolo na maintainer ng drug den, 4 pa huli sa droga

Sharing is caring!

Hindi umubra ang pagiging senior citizen ng 67-anyos na lolo nang dakmain ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) matapos na mapatunayang nagmamantine ito ng ‘drug den’ sa kanilang lugar sa Quezon City, nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ni (QCPD) Director, Police Chief Superintendent Joselito T Esquivel Jr., ang suspek na si Francisco Pajola, 67-anyos, at naninirahan sa No. 043 Area 6, Brgy. Botocan, ng nasabing lungsod.

Ayon kat Chief Supt. Esquivel, si Pajola ay naaresto ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pamumuno ni Police Sr. Insp. Edward Cantano sa patuloy na isinasagawang ‘anti-drug-operation at anti-criminality campaign ng kanyang mga tauhan.

Ayon kay Sr. Insp. Cantano, nakatanggap sila ng impormasyon na nagmamantine ng drug den ang nasabing senior citizen kaya naman agad nilang ikinasa ang buy-bust operation laban sa suspek.

Dakong alas- 9:45 ng gabi (May 21, 2018) ay nakipag-transaksiyon sila sa suspek at nang positibo na nagtutulak ito, isa sa mga pulis ng DDEU ang nagpanggap na adik.

Sa tahanan ng suspek sa Brgy. Botocan isinagawa ang buy-bust at habang iniaabot na ng pulis na nagpanggap na buyer ang marked money kapalit ng shabu, ay nagsilabasan sa kanilang mga pinagtataguan ang iba pang pulis at dinakma ang senior citizen.

Sa gitna ng buy-bust operation ay naaktuhan pa ng mga operatiba ng DDEU ang apat na adik na nagpa-pot session sa loob ng bahay ni Pajola kaya dinakma rin ang mga ito na nakilalang sina Adrian Bravante, 28; Albert Conge, 42, kapwa residente rin ng Brgy. Botocan; Wilmar Macalos, 42, at John Hordonez, 52, kapwa naninirahan sa Sikatuna Bliss.

Nakumpiska sa mga nadakip ang ilang sachet ng shabu, drug paraphernalia at buy-bust money.

Ang mga nadakip ay nakapiit ngayon sa detention cell ng DDEU habang inihahanda ang kaso laban sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?