86

Jan 28, 2020 @ 14:37
By

Lolo, lola pasok na crew sa McDo Caloocan

“Kaya pa at magbabalik ang aming mga sigla,” – ang sinabi ng isang senior citizen na nabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho muli matapos ang pagreretiro sa trabaho at naga-apply ngayon.

Sa pamamagitan ng naganap na kasunduan sa pagitan nina Caloocan Mayor Oca Malapitan at Chona Concepcion Torre, Senior Vice-President of Human Capital Group, Golden Arches Development Corporation (McDonald’s), pinirmahan ang Memorandum of Agreement (MOA) para mabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho muli ang ang mga nakatatanda at persons with disability (PWD).

Nakatoka ang mga bagong empleyado sa simpleng trabaho na paglilinis, pagkuha ng mga kalat, pagbati sa mga papasok at lalabas na customers at iba pang magagaan na trabaho sa loob ng apat na oras.

“Isa lamang ito sa mga oportunidad na magbubukas para sa ating mga nakatatanda at PWDs. Nais natin silang mabigyan ng pagkakataong makapaghanap-buhay at kilalanin bilang malaking bahagi ng ating lipunan,” ayon kay Malapitan.

Nakasaad sa kasunduan na tatlong McDonald’s stores sa Caloocan na Maypajo branch, MCU branch at Vicas branch ang tatanggap ng mga nakatatanda at may kapansanan bilang kanilang mga empleyado.

Nasa 39 senior citizen na ang nasa listahan na ng mga aplikante na nagnanais na makapagtrabaho muli.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?