16

By

Lolo kulong sa pag-aalburoto

Sharing is caring!

Rehas na bakal ang kinasadlakang ng 53-anyos na lolo nang hatawin ng taga ang kanyang kapitbahay na matagal na niyang kaalitan sa Novaliches, Quezon City kamakalawa.

Binitbit ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD)-Station 4 (Novaliches) ang suspek na si Abecito Abellonar, nang tagain ang kapitbahay na si Carlos Lastrilla, 56, dakong alas-11:30 ng tanghali sa Villa 1, Jasmin Ramirez Subdvision, sa Brgy. Nova Proper, Novaliches.

Sa ulat, nagkatagpo umano ang dalawa at naungkat ang matagal na nilang alitan, na nauwi sa pagtatalo. Dito na kumuha ng itak si Abellonar na hinabol si Lastrilla at hinataw ng taga subalit nakailag ang biktima.

Umawat naman ang mga kapitbahay at naagaw ang itak mula kay Abellonar, subalit hindi pa rin nagpaawat ang suspek at muling kinompronta si Lastrilla, at gamit ang isang patalim ay sinaksak ito.

Mabuti na lamang umano at muling nakailag ang biktima kaya’t sa braso lamang siya nahagip ng suspek.

Agad namang humingi ng tulong sa istasyon ng pulisya ang biktima at ini-report ang ginawa ng suspek, na nagresulta sa pagkakadakip nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?