312

Oct 21, 2017 @ 19:37

Lolo, kritikal sa hampas ng bote sa ulo

Nasa kritikal na kondisyon ang isang lolo matapos hampasin sa ulo ng bote ng alak ng kanyang lasing na kapitbahay nang wala man lang dahilan sa lungsod ng Caloocan kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang biktimang si Condrado Jerango, 68-anyos, may-asawa at residente ng Katarungan St., Barangay 154, Bagong Barrio ng nasabing lungsod.

Kinilala naman ang kapitbahay nito na si Alvin Kilup, 46-anyos, walang hanapbuhay, binata at residente rin ng nasabing lugar.

Nabatid na ganap na alas-singko ng hapon nang maganap ang insidente sa Kalayaan St., kasalukuyan umano noong naglalakad ang matanda nang bigla na lamang siyang sunggaban ng suspek na lango sa alak at hampasin sa ulo ng hawak na bote ng alak.

Agad na nawalan ng malay ang biktima na nagtamo ng malaking sugat sa ulo habang mabilis na tumakas ang suspek matapos ang kalokohang ginawa.

Sinaklolohan at dinala ng kanyang mga kapitbahay ang biktima sa Tondo Medical Center na nasa kritikal na kondisyon ngayon.

Mabilis na naaresto sa isinagawang follow-up operation ang suspek na walang natatandaan sa kanyang ginawa dahil sa kalasingan at nasa kustodiya na ng Caloocan City detention cell. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?