122

Dec 1, 2017 @ 19:09
By

Lolo, kritikal sa hambalos ng lasing na kapitbahay

Nasa kritikal na kondisyon ang isang lolo matapos na hatawin sa mukha ng lasing niyang kapitbahay sa Navotas City kahapon ng umaga.

Sa ulat ng Navotas City Police, ganap umanong alas-siyete ng umaga nangyari ang insidente sa Block 34-A, Phase 2, Area 2, Barangay North Bay Boulevard South na sakop ng Dagat-Dagatan.

Naglalakad pauwi galing sa pamimili sa isang grocery ang biktimang si Jose Julian Taloban, 78-anyos, residente ng nasabing lugar, at mapadaan sa harapan ng bahay ng suspek na si Willian Barlin, 55.

Nagpatuloy sa paglakad ang matanda ngunit hindi pa man nakakalagpas sa bahay ng suspek ay bigla na lamang siyang nilapitan nito na may dalang kahoy at walang sabi-sabing hinampas sa mukha.

Matapos nito ay tumakas ang suspek habang naitakbo sa Tondo Medical Center si Taloban at kalaunan ay inilipat sa Jose Reyes Medical Center.

Sa follow-up operation, nadakip ang suspek at nakatakda nang sampahan ng kaso. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?