96

May 11, 2019 @ 17:01
By

Lolo dedbol sa palo ng tubo

Patay ang 69-anyos na lolo makaraang hatawin ng tubo ng kanilang umano’y kamag-anak nang umawat sa pakikipag-away ng kaniyang anak sa Quezon City, Biyernes ng gabi.

Kinilala ni P/Captain Juan Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang biktima na si Benito Torres Rodriguez at residente ng Virginia Drive, Jordan Valley, Brgy. Baesa, QC.

Agad namang sumuko ang suspek na si Michael Estrada Rodriguez, 49, negosyante, ng Virginia Drive, Jordan Valley, ng sabing barangay.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang krimen dakong alas-sais ng gabi noong Mayo 10 sa harapan ng tahanan ng suspek.

Naglalakad umano ang biktima at anak niyang si Marvin Rodriguez nang mapansin nitong tinitingnan sila nang masama ng suspek.

Dahil dito ay kinompronta ni Marvin ang suspek hanggang sa magtalo at magpambuno ang dalawa.

Agad namang umawat ang lolo subalit siya ang napagdiskitahan ng suspek at pinaghahataw ng tubo sa kaliwang bahagi ng katawan.

Bumagsak ang matandang lalaki kaya isinugod sa Pacific Global Medical Hospital subalit binawian din ito ng buhay dakong alas-7:40 ng gabi, ayon sa attending physician na si Dr. Michael Ramoso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?