109

Aug 12, 2021 @ 21:07
By

Lolit naawa, pinagtanggol si Isko sa sexy photo: Part na iyon ng past niya

Naawa ang veteran showbiz writer na si Lolit Solis kay Manila Mayor Isko Moreno kung ito nga ang alkalde na pinatatamaan ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa nagkalat na sexy photo.

Naniniwala si Lolit na politika ang nasa likod nito.

Ipinagtanggol niya si Moreno at aniya’y bahagi na ng past ng alkalde ang mga sexy photo nito na nagkalat sa social media.

Ginawa aniya ito ni Moreno noong artista pa lamang siya at walang kaugnayan sa pagiging mayor nito ngayon.

“Kung anuman ang ginawa niya habang isa siyang artista, hindi kasali sa pagiging Mayor niya ngayon. Hindi itinago ni Mayor Isko ang pinagdaanan niyang buhay, open book ito sa lahat. Hindi naging sagabal sa bago niyang career bilang pulitiko,” saad ni Lolit.

“Siguro maganda ang naging performance niya, nakita ng tao ang dedication niya sa trabaho, kaya hayun, shining star siya sa political ring. Kung anuman mga taktika sa politics na ginagamit, palagay ko hindi maganda iyon mga personal na birada kay Mayor Isko Moreno. Kung anuman naganap sa una niyang buhay ng artista pa siya, part na iyon ng past.

“Ang importante iyon ngayon at gagawin niya sa future. Sa mga taga Maynila, kung ano ang trabaho na ibinibigay niya now, iyon ang importante. Walang kinalaman iyon mga photos na lumalabas, o kung anuman role ang ginawa niya sa pelikula,” dagdag niya.

Sa bandang huli ay nanawagan siya kay Pangulong Duterte: “Kay Papa Digong, just be a good President and leader, hayaan mo na iyon mga inilalabas sa Facebook, huwag mo ng isali iyon sa research mo, nakalipas na iyon, kalimutan na. Mas maganda pa na work together kayo para sa ikabubuti ng bayan.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?