45

Dec 4, 2019 @ 15:50
By

Lola na may kanser, wagi ng P50M sa lotto!

Napanalunan ng isang 65-anyos lola na cancer patient ang P50 milyon jackpot prize sa 6/49 Super Lotto na binola nitong Linggo ng gabi, Disyembre 1.

Personal na nagtungo sa tanggapan ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Marzan Garma ang nasabing lola na mula sa Cavite at dumaranas ng nasophryngeal cancer upang kubrahin ang kanyang napanalunan.

Ayon kay Garma, hindi matatawaran ang kasayahang nadarama ng jackpot winner ng personal na mahawakan ang tseke ng kanyang panalo.

Hindi umano kasi akalain ng lola na matapos ang 30-taong pagtaya niya sa lotto ay magwawagi at masosolo pa niya ang napakalaking jackpot prize.

Nakatakda ring magdiwang ng kanyang kaarawan ang lotto winner sa susunod na linggo, kaya’t itinuturing niyang napakagandang birthday at Christmas gift ang kanyang panalo.

Nabatid na matagal nang dumaranas ng nasopharyngeal cancer ang lola at isa siya sa mga beneficiaries ng PCSO, na nakakatanggap ng financial at medical assistance para sa kanyang chemotherapy.

Ayon kay Garma, Disyembre 1 nang tumaya ng lucky pick sa 6/49 Superlotto ang lola, mula sa selling outlet sa Baclaran, at sinuwerteng napanalunan ang winning lotto combination na 5-38-09-17-10-15.

Plano umano ng lola na gamitin ang napanalunang premyo sa pagtustos sa kanyang pagpapagamot, at pagtulong sa kanyang mga kaanak.

Bukod sa kanya, may 10 lucky winners rin ang nanalo naman ng tig-P70,000 sa nasabing lotto draw, matapos na makuha ang lima sa anim na winning combination.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?