7

By

Lola inararo ng 2 sasakyan

Sharing is caring!

Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lola makaraang mabundol ng isang van at masagasaan pa ng kasunod na kotse, habang tumatawid sa flyover sa Barangay Wack-wack, Mandaluyong City.

Sa ulat sa pulisya, inaalam pa ang pagkikilanlan ng lola na tinatayang nasa edad 65 hanggang 70-anyos, may taas na 4’10”, nakasuot ng gray na guhitang shorts, at blouse na kulay asul at dilaw.

Agad namang sumuko sa pulisya ang driver ng van na si Mila Sevilla, 66, negosyante, residente ng Las Piñas City. Siya ay nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Samantalang ang driver naman ng kotse na sumunod na nakabundol sa matanda ay hindi pa nakikilala makaraang tumakas.

Batay sa ulat ng Mandaluyong City Police, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang mangyari ang aksidente sa paanan ng Ortigas flyover sa EDSA southbound, sa Barangay Wack-wack.

Ayon kay Sevilla, minamaneho niya ang Isuzu Flexi van (PIG-268), galing Cubao at pauwi na sana nang mangyari ang aksidente. Aniya, hindi naman matulin ang kanyang takbo, ngunit biglang tumawid ang lola, na sinasabing palagiang nakikitang namamalimos sa naturang lugar.

Tinangka pa umano niya na magpreno upang hindi abutan ang matanda ngunit nahagip din ito. Sa lakas ng impact ay tumilapon ang matanda, habang nabasag naman ang windshield ng van.

Ayon sa mga nakasaksi, tila hindi naman napansin ng kasunod na kotseng Sedan (UUJ-569) ang nakahandusay na biktima kaya’t nasagasaan niya ito.

Agad namang rumesponde ang mga rescue team ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at isinugod ang biktima sa Quirino Memorial Medical Center, subalit binawian din ito ng buhay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?