15

May 4, 2021 @ 15:39

Locsin binusalan sa pagmumura, nag-sorry sa Chinese ambassador

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga miyembro ng kanyang gabinete na iwasan ang magmura o magbitaw ng masasakit na salita.

Kasunod ito ng mga mensahe ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa kanyang Twitter account na may kasamang mura laban sa China.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi lamang si Locsin ang pinatutungkulan ng mensahe ng Presidente kundi sa lahat ng miyembro ng gabinete.

“Ang mensahe ng Presidente sa larangan ng diplomasya wala pong lugar ang pagmumura. Ang mensahe ng Presidente sa lahat ng miyembro ng gabinete , ang Presidente lang ang pupuwedeng magmura. Wala pong pupuwedeng gumaya sa kanya,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na hindi polisiya ng Pilipinas ang magmura lalo na sa larangan ng diplomasya.

“Nililinaw ko po, upon expressed orders of the President, hindi po ito ang polisiya ng Pilipinas. Klinaro po ito mismo ng ating Presidente,” dagdag ni Roque.

Nagkausap na aniya sila ni Secretary Locsin at nagsabing humingi na ito ng dispensa kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian .

Ipinaliwanag aniya ni Secretary Locsin na ang pagmumura nito ay dahil na rin sa init ng kanyang ulo bunsod ng pananatili ng Chinese vessels sa West Philippine Sea sa kabila ng sunod-sunod na diplomatic protest na inihain ng kanyang tanggapan laban sa China.

“Kami po ay nagkausap ni Secretary Locsin at ipinaalam sa akin na personal siyang nag-apologize sa Chinese Ambassador ,at ang mga nabanggit niyang mga salita ay dahil lang sa mga bagay bagay na naging dahilan para uminit ang kanyang ulo,” kuwento ni Roque.

Sinabi ng kalihim na ano mang pagkakaiba ng paninindigan ng Pilipinas at China hinggil sa usapin sa West Philippine Sea ay hindi magiging batik o lamat sa relasyong bilateral ng dalawang bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?