35

Jan 7, 2022 @ 13:15
By

Lockdown sa Kamara pinalawig ng isang linggo

Nagdesisyon ang liderato ng Kamara de Representantes na palawigin ng isang linggo ang ipinatutupad na lockdown sa Batasan Complex sa Quezon City kaugnay ng pagsirit ng mga kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) at mga karatig probinsya.

Sinabi ni Speaker Lord Allan Jay Velasco na magpapatuloy ang lockdown mula Enero 10 hanggang 16 bilang bahagi ng mga hakbang upang maproteksyunan ang mga mambabatas at mga empleyado nito.

Inatasan na umano ni Velasco si House Secretary General Mark Llandro Mendoza na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng lockdown.

Tiniyak naman ni Velasco na patuloy na magtatrabaho ang mga kongresista at empleyado mula sa kani-kanilang bahay sa pamamagitan ng virtual committee hearing.

“Now, more than ever, it is important to continue to wear face mask, maintain proper physical distancing, practice good hygiene, and get vaccinated. For those who have already completed their primary doses of COVID-19 vaccine, get your booster shot once you’re eligible,” sabi ni Velasco.

Noong Martes ay sinimulang ipatupad ang lockdown sa Kamara bunsod ng patuloy na pagdami ng bilang ng nahahawa ng Omicron variant na pinaghihinalaang sanhi ng biglang pagsirit ng bilang ng mga nahahawa.

Sa Enero 17 ay magbabalik ang limitadong operasyon ng Kamara kasabay ng pagbubukas ng sesyon ngayong taon.

Ayon kay Velasco 20 porsyento lamang ng workforce ng bawat opisina ang papayagang pisikal na pumasok sa Kamara.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?