143

Jul 28, 2021 @ 17:26
By

Lockdown sa Agosto suportado ng mga negosyante

Tinukuran ng mga business leader ang mungkahi ng OCTA Research na magpatupad ng lockdown sa Agosto.

Kasunod ito ng babala ng OCTA sa posibilidad na umabot muli sa full capacity ang mga ospital sa Metro Manila sa kalagitnaan ng Agosto kung hindi magpapatupad ng lockdown laban sa Delta variant.

Ayon kay OCTA Research fellow Fr. Nicanor Austriaco, batay sa projections mula sa Thailand, Malaysia at Vietnam, maaaring umabot sa 100% capacity ang health care utilization rate sa Metro Manila sa Agosto 15 pa lamang.

Kaya iginiit ng OCTA sa gobyerno na agad magpatupad ng “circuit-breaking” lockdown sa lalong madaling panahon habang hindi pa sumisirit ang mga Delta variant case sa bansa.

Sa isang forum nitong Miyerkoles, sumang-ayon ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, Exporters Confederation of the Philippines at Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry sa dalawang linggong lockdown sa Agosto.

Pabor din dito si Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion sa pagsasabing tamang panahon ang pag-implementa ng lockdown sa Agosto.

Aniya, kadalasang tuwing Agosto ay nagre-relax ang mga negosyo dahil sa masamang panahon.

Dagdag niya, ang pagla-lockdown sa naturang buwan ay maaaring makatulong na protektahan ang kikitain sa fourth quarter, kung saan kadalasang mataas ang paggastos ng mga mamimili.

“If we have to do it, let’s do it and let’s prepare for it. We’re saving the lives of the unvaccinated,” saad pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?