29

Oct 12, 2020 @ 10:10
By

Lockdown age restriction gustong baguhin ng mga alkalde

Mula sa kasalukuyang 21 hanggang 60 anyos na limit sa mga pwedeng lumabas habang general community quarantine (GCQ), balak imungkahi ng Metro Manila Council (MMC) na gawin itong mula 18 hanggang 65 anyos.

“Sa pag-uusap po namin noong huli, kami po ay nag-usap, ang amin pong consensus ay i-maintain ‘yung curfew na 10 [p.m.] to 5 [a.m.]. Pero magkaroon po kami ng recommendation doon po sa adjustment noong ating mga persons to go out,” wika ni MMC chair at Paranaque City Mayor Edwin Olivarez sa ABS-CBN’s Teleradyo.

“Kasi ngayon po, ‘yung ating persons to go out, ang edad nun is 21 to 60. Ang aming recommendation is baka pwedeng gawing 18 to 65 na po ‘yung mga tao na pwedeng lumabas ng kanilang tahanan,” aniya pa ngayong Lunes, Oktubre 12.

Dahil dito, sinabi ni Olivarez na dapat pag-isipan ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na magbukas ng mga public utility vehicle para mas maraming pasaherong mapasakay.

Samantala, exempted pa rin aniya sa curfew ang mga manggagawa at iba pang authorized persons outside of residence (APOR).

Ang MMC ay binubuo ng lahat (17) ng mga alkalde sa buong National Capital Region at ang policy-making at governing body ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?