236

Oct 14, 2021 @ 14:50
By

Lockdown aalisin ng Lacson-Sotto tandem

Kinokonsidera ng tambalan nina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III na tuluyan nang tanggalin ang lockdown sakaling mahalal sila bilang pangulo at pangalawang pangulo sa halalan 2022.

Bagama’t ang Pilipinas ay nagkaroon ng pinakamatagal na lockdown sa buong mundo, sinabi ni Lacson na hindi ito naging epektibo sa pagpigil sa pagkalat ng COVID, at hindi rin nakatulong sa pagrekober ng Pilipinas kumpara sa ibang bansa.

“We’re toying with the idea that after June 30, 2022, wala na tayong lockdown kasi hindi nagwo-work ang longest lockdown. Lockdown ng lockdown, hindi nagwo-work. Baka may ibang approach,” pahayag ni Lacson sa kanyang panayam sa Pandesal Forum nitong Huwebes.

Una nang binanggit ni Lacson na lahat ng polisiya laban sa COVID-19 ay dapat na nakabase sa siyensiya, teknolohiya at datos at hindi lamang base sa trial-and-error.

“As we go on, we adopt methods; ginagawa natin na magwo-work but we stop or reconsider tayo sa hindi nagwo-work. Kung hindi ka flexible, hindi ka nag-a-adapt for some reason, walang mangyayari sa buhay natin,” sabi ni Lacson.

Ayon pa sa senador, kinokonsidera din niya ang ibang mga alternatibong paraan tulad ng mas maayos na distribusyon ng bakuna, pagbibigay kapasidad sa mga pampublikong ospital, at maayos na paggamit ng pondo kabilang na ang posibleng paggamit ng off-budget income ng mga publikong ospital para sagutin ang hospitalization expenses ng mga kababayan nating naka-confine sa ospital.

Ibinahagi din niya ang COVID-19 Recovery Index ng Nikkei Asia na nagpapakita na huli ang Pilipinas sa 121 bansa sa aspeto ng infection control at pagbabakuna.

Sabi pa ni Lacson, ang nagpapalala pa sa sitwasyon ay ang kabi-kabilang korapsyon sa pagbili ng supplies para matugunan ang pandemya at kawalan ng kakayahan ng iba na pamunuan ang kanilang ahensya.

“Pinaparusahan natin ang ekonomiya at hindi nagwo-work ang health efforts natin para ma-cure ang COVID,” anang senador.

“Ang daming problema hindi lang pandemic, pati post-pandemic,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?