By

‘Lobbying’ kontra retoke tax, matindi – Drilon, Angara

Sharing is caring!

Isiniwalat nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senador Sonny Angara ang matinding pagkilos para hindi mabuwisan ang aesthetic surgery o ang pagpaparetoke.

Marami umanong nag-lo-lobby sa kanila at sa iba pang mambabatas na huwag na itong isama sa pinaplantsa ngayong tax reform bill o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill.

Ayon kay Drilon, kinakausap siya ng ilang kapwa mambabatas na nilapitan ng mga doktor at kumpanya mula sa “retoke” industry pero hindi raw siya makapayag.

Kung tataasan ang buwis sa petrolyo at inuming may asukal na direktang makakaapekto sa mahihirap, sinabi ni Drilon na walang dahilan na hindi buwisan ang mga produkto at serbisyo na kaya naming bayaran ng may salapi.

“Certainly, yes, may naglo-lobby. There’s a very strong lobby,” ani Drilon.

“Yes, may kumausap (sa akin) pero ang sabi ko as a matter or principle, we should impose the cosmetic tax because we are increasing the excise tax on fuel, which affects everybody. Yung pangunahing bilihin dito tataas. The poorer sector of the society will be affected, so why can we not impose a tax on the activity , which is purely luxury?” dagdag nito.

Sinabi naman ni Angara, chairman ng Senate committee on ways and means, na pangunahing umaapela ang mga taga-showbiz industry dahil bahagi ng kanilang industriya ang pagpapa-retoke.

Ayaw pumayag ni Drilon na hindi ito buwisan pero puwede umanong pumayag na bawasan ang 10 porsyentong excise tax na una nitong iginiit at ipinaloob sa Senate version ng tax reform bill.

“Marami talagang – kahit sa radio, yung mga taga-showbiz parang ayaw nila ng mga ganun. Siguro kasi, bahagi na iyon ng kanilang industriya. But Sen. Drilon is one of those who is pushing hard for that tax. And he told me that he feels strongly about it as a matter of principle,” ayon kay Angara. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?