57

Mar 23, 2021 @ 13:54
By

Liza: Suporta para sa mahihirap nasaan?

Madali lang namang manatili sa bahay kung may pagkain para sa buong pamilya at pera pambayad ng mga bayarin.

Ito ang saloobin ni aktres Liza Soberano habang kinukuwestiyon kung nasaan na ang suporta ng gobyerno para sa mahihirap ngayong naghigpit muli sa ilang lugar sa bansa dahil sa pagsipa ng coronavirus cases.

Magugunitang pinaloob ang NCR plus–Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal–sa mas mahigpit na general community quarantine (GCQ) mula Marso 22 hanggang Abril 4.

Sa panahong ito, tanging essential travel lang ang papayagan at mga authorized persons outside residence lang ang pwedeng pumasok at lumabas sa mga naturang lugar.

“My heart bleeds for all the people who cannot afford not to go out and work. They literally have to choose between dying of starvation or dying of Covid,” tweet ni Liza kagabi.

“Is our country really this poor to not be able to provide stimulus?? Genuine question lang po,” aniya pa.

Sa hiwalay na tweet, binida ng aktres ang pagbibigay ng Amerika ng ayuda, at libreng COVID-19 testing at bakuna sa mga residente nito habang may pandemya.

“America has received 2 rounds of stimulus already, waiting on the 3rd. Covid testing is free, vaccination is free.”

“Where is the support for the poor in our country? Madali lang naman po mag-stay at home if everyone has food on the table and money to pay the bills,” dagdag niya.

Ginawa ni Soberano ang pahayag matapos sabihin ng Palasyo na walang matatanggap na tulong-pinansiyal o ayuda ang mga residente ng NCR plus.

“In terms of ayuda na gaya ng binigay natin sa ECQ (enhanced community quarantine), dahil hindi naman natin pinipigilan magtrabaho ang ating mga kababayan ay hindi na tayo dapat magbigay ng ganoong ayuda dahil puwede maghanapbuhay ang lahat,” paliwanag pa ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?