41

Oct 22, 2020 @ 19:57
By

Liza, Catriona nililigtas lang sa panggagamit ng komunista – Palasyo

Ipinagtanggol ng Malacañang ang naging babala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kina actress Liza Soberano at Miss Universe 2018 Catriona Gray kaugnay sa kanilang adbokasiya para sa kababaihan na posibleng samantalahin ng grupong Gabriela.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi dapat na masamain ang paalala at babala na rin ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., commander ng AFP Southern Luzon Command, sa dalawang showbiz personality dahil iniiwasan lamang na baka magamit sila ng mga maka-kaliwa.

Nilinaw ng kalihim na ang isyu dito ay hindi para i-red tag sina Soberano at Gray kundi iniiwasan lamang na pagsamantalahan ng mga komunista ang advocacy ng dalawa.

“Ang issue po, yung posibleng pagsasamantala ng mga komunista sa mga adbokasiya nina Liza at Catriona. Alam n’yo naman ang mga Maoist po sa Pilipinas eh talagang kung mayroong puwedeng pagsamantalahan ay pagsasamantalahan nila,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na walang problema ang gobyerno kina Soberano at Gray dahil mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay sumusuporta at isinusulong ang karapatan ng mga kababaihan, patunay aniya dito ang track record ng Presidente noong siya ay alkalde pa lamang ng Davao City.

Umani naman agad ng batikos sa mga progresibong mambabatas sa Kamara ang paalala ni Parlade sa dalawang personalidad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?