35

Sep 9, 2021 @ 14:08

Live selling to live nakaw! Kelot binulsa teleponong naka-live pala

Instant artista ngayon ang isang magnanakaw sa Caloocan City matapos niyang tangayin ang isang teleponong naka-live pala sa Facebook.

Ayon sa ulat ng 24 Oras, nasa kalagitnaan ng live selling nitong Lunes ang isang bebot nang biglang may lumapit sa kanyang lalaki na nagtatanong ng presyo ng tinda niyang sapatos.

Habang kinakausap niya ang kelot ay hindi naman niya tinigil ang onlive video.

Nang pumasok na siya sa stock room ay doon na tinangay ng kelot ang cellphone.

Anang isang witnesss, sinubukan siyang lituhin ng suspek para magulo ang kanyang isip at mawala ang pokus nito sa kanyang telepono.

“Ang dami niya pong pinipili, bilin niya po ‘yung ganito. Eh, ‘yung ano po kasi namin sale, wala siyang box. So kumukuha po ako ng box tapos pinatong ko po ‘yung cellphone na nagla-live kasi hindi pwedeng putulin ‘yung live,” wika ni Jonalyn Jimenez.

“Ayun po, kinakausap niya po ako. Palitan daw ‘yung box hanggang sa ito naman ‘yung kinakausap niya. Ayun po, bigla na lang namin nalaman na wala na po ‘yung cellphone,” dagdag pa niya.

Anang isang kasama ni Jonalyn, may kasabwat din ang suspek.

“Dalawa po silang magkasama tapos ‘yung isa nasa labas lang po, nasa motor, tapos siya nililibang niya ‘yung mga bantay dito,” ani Nica Mae Cacnio.

Kasalukuyang iniimbestigahan na ng kapulisan ng Caloocan City ang naturang insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: