503

Oct 2, 2017 @ 17:02

Live-in partner ng Robinson’s supervisor, wanted na!

Posibleng malaki umano ang kinalaman ng live-in partner sa pagkamatay ng superbisora ng Robinson’s Supermarket (Timog branch) dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa umano ito lumulutang sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD).

Dahil dito, nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga tauhan ng QCPD upang hagilapin ang live-in partner (pansamantalang hindi pinangalanan) ng biktimang si Sharon Agustin Morales, alyas ‘Sha’, 36-anyos, naninirahan sa 139 Maya St., Unit-5, Barangay Commonwealth, Quezon City at nagtatrabaho bilang supervisor sa Robinson’s Supermarket na matatagpuan sa Timog Avenue.

Naaagnas na ang bangkay ni Morales nang madiskubre ng umanoy biyenan nito na nakilalang si Esperanza Pascua, 50-anyos dakong alas -12: 50 ng hapon, noong Setyembre 29 sa loob ng kanyang silid at nasa ilalim ng higaang kahoy na kama.

Ayon kay Pascua, nagtungo siya sa bahay ni Morales upang bisitahin sana niya ito.

Kumatok umano siya sa pinto at dahil sa walang nagbubukas ay minabuti na niyang pumasok, subalit sinalubong siya ng masansang na amoy na tila patay na daga.

Sinundan umano ni Pascua kung saan nanggagaling ang masansang na amoy, at doon ay bumulaga sa kanya ang naaagnas na katawan ni Morales sa ilalim na higaang kahoy ng biktima.

Sinasabing huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-9:00 ng gabi ng Setyembre 26 matapos makipag-inuman sa kanyang mga kapitbahay sa loob ng kanyang tahanan.

Nagtataka naman ang mga tauhan ng CIDU-QCPD kung bakit hanggang sa ngayon ay misteryosong biglang nawala ang kinakasama ni Morales, gayung ilang araw nang patay ang biktima dahilan upang halos hindi na makilala ito dahil sa naaagnas na ang mukha at katawan nito.Bukod sa kinakasama ni Morales, inaalam din ng mga otoridad kung sinu-sino ang mga naging kainuman nito noong gabi ng Setyembre 26, na posibleng maging susi sa misteryosong pagkamatay ng biktima.

Ang bangkay ni Morales ay nakalagak pa rin sa PNP Crime Laboratory upang alamin kung ano ang naging sanhi ng kamatayan nitohabang hinahagilap ang live-in partner nito na posibleng malaki o magbigay-linaw sa krimen. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?