47

Jul 28, 2020 @ 16:09
By

Litanya ni Duterte kay Drilon, unpresidential – Gordon

Pinitik ni Senador Richard Gordon si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsabing “unpresidential” ang ginawang pagbatikos nito laban kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Sa online interview ng mga reporter, sinabi ni Gordon na dapat irespeto ni Duterte ang karapatan ni Drilon na magpahayag ng kanyang opinyon.

“I think he (Duterte) should’ve stuck to the message. Una pa lang na bungad e binanatan na si Senator Drilon which I think is unpresidential,” pahayag ni Gordon.

“Siguro talagang malaki ang galit niya pero hindi niya dapat ilalabas sa publiko ‘yung galit niya sa isang tao lalo isang senador who is called upon to speak for those who are vulnerable,” dagdag pa nito.

Sa ikalimang State of the Nation Address ni Duterte, dalawang beses nitong binakbakan si Drilon dahil sa maangas nitong pahayag sa isyu ng oligarkiya at inakusahan din ito sa pagdepensa sa pamilya Lopez.

Tinawag pa ni Duterte na ipokrito si Drilon sa huling bahagi ng kanyang talumpati.

Sabi ni Gordon, hindi dapat sini-single out si Drilon dahil ang posisyon nito ay katulad din ng sinabi ng maraming tao.

“Marami naman siyang (Duterte) sinasabi na hindi niya dapat sabihin. That’s his business pero ‘di kami nakikialam” ani Gordon.

“Pero hindi dapat i-single out ang isang tao who shares the position of a lot of people,” wika pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?