22

Jan 12, 2022 @ 13:31
By

Listahan ng ‘di bakunado hinihingi ng DILG

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga opisyal ng barangay na magsumite ng listahan ng mga ‘di bakunadong indibidwal sa kanilang lugar.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, si Secretary Eduardo Año ang siyang naglabas ng kautusan upang masiguro na mababantayan ang mga ‘di bakunado sa paglabas ng kanilang mga tahanan.

“Nagpalabas po si Secretary Año ng memorandum circular para magsagawa ang lahat ng mga barangay sa buong bansa para malaman ‘yung hindi pa nagpapabakuna sa barangay,” pahayag ni Malaya.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Malaya na kada-buwan magbibigay ang mga barangay ng naturang listahan.

Kapag ang isang barangay ay nakapagpasa na ng listahan ng ‘di bakunado sa DILG, maaari na umano silang magpatupad ng ordinansa para sa mga ito, ayon kay Malaya.

Ang naturang kautusan umano ay naka-linya sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na limitahan ang paglabas ng mga ‘di bakunadong indibidwal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?