398

By

Lisensya ng lady driver na humarurot sa traffic enforcer, delikado

 

Isusumbong ng MMDA sa Land Transportation Office (LTO) ang babaeng driver na umiwas sa huli dahil sa paglabag sa batas-trapiko.

Sinabi ni MMDA spokesperson, Celine Pialago, irerekomenda nila na kanselahin o suspindihin ang driver’s license ng babaeng driver.

Inilitanya ni Pialago ang mga kaso na maaring kaharapin ng driver, illegal parking, obstruction, reckless driving, direct assault, arrogant driving at disobedience to person in authority.

Kumakalat pa rin sa social media ang video nang pag-iwas ng driver sa huli matapos itong sitahin ni Traffic Constable Sandy Bilan dahil sa iligal na pagpaparada ng minamaneho niyang itim na Toyota Camry noong Oktubre 19.

Sinubukan pa ng isa pang traffic enforcer na harangan ang kotse ngunit humarurot pa rin ang driver patungo sa North East Greenhills.

Nalaman na ang sasakyan ay naka-rehistro sa Garment District Inc., sa Sandoval, Pasig City.

Idinagdag pa ni Pialago na kapag nag-renew ng lisensiya ang driver ay kinakailangan na bayaran nito ang mga multa ng mga ginawa niyang paglabag.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?