12

By

Lions winalis ang Pirates, 3-peat kinalawit ng SBU

Sharing is caring!

Muling winalis ng San Beda University Red Lions ang Lyceum of the Philippines University Pirates sa Game 2 ng 94th NCAA finals, 71-56, upang kubrahin ang ikatlong dikit na kampeonato Lunes ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay.

Sa harap ng maraming tagahanga ng dalawang tropa, pinoste ng Red Lions ang three-peat habang runner-up naman sa magkasunod na taon ang Pirates.

Bagama’t bumalik sa lineup ng Pirates si CJ Perez na pumoste ng 19 puntos, anim na rebounds at apat na assists ay hindi pa rin ito na naging sapat para maipwersa ang serye sa huling laro.

“Well, masaya ako at least nakuha namin ‘yung championship, at least napalitan na ‘yung mga pagod, ‘yung puyat at ang sakripisyo ng mga players ko sa practices and for all those preparations in this season. Masaya at nakuha namin ‘yung three-peat,” wika ni San Beda head coach Boyet Fernandez.

Malaki rin ang pasasalamat ni Fernandez sa lahat ng tiwala na ibinigay sa kanya ng pamunuan ng San Beda.

Katabla na ni Fernandez si coach Frankie Lim na nag-uwi ng kampeonato para sa Red Lions, may tig-apat na sila ngayon at sa apat na taon ni Fernandez sa San Beda, pumoste siya ng 74 wins at 12 losses.

“Well siguro hindi ko iniisip talaga ‘yung championships ko, sa totoo lang hindi ko iniisip ‘yung winning percentage ko. Ang iniisip ko lang talaga is mabigyan ang San Beda ng championship every year. The championship I had it’s not really on my own effort, it is also the effort of my players and my coaching staff,” dagdag nito.

Pabiro namang sinabi ni Robert Bolick na ang kulang na lang niya ay isang NBA championship at hindi pa niya aniya alam kung anong gagawin niya sa susunod na kabanata ng kanyang karera.

“Siguro ang kulang ko na lang NBA champion, kinukuha ako ng Lakers, consultant ako ni LeBron eh,” pabirong banat ni Bolick na tumapos ng tig-apat na puntos at rebounds at 12 assists.

Tinanghal na Finals MVP si Javee Mocon na pumoste ng 16 puntos, 11 rebounds at dalawang assists.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?