17

Oct 5, 2020 @ 14:12
By

Lindol sa Occidental Mindoro naramdaman sa Metro Manila

Niyanig ng magnitude 5.6 na lindol ang Occidental Mindoro kaninang madaling-araw. Naramdaman ito sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Ayon sa unang earthquake information ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagtala ito ng magnitude 5.4 na lindol. Inangat ito patungong magnitude 5.6 sa updated bulletin.

Ang nasabing pagyanig ay naganap alas-2:16 ng umaga, Oktubre 5, sa 31 kilometro timog-silangan ng bayan ng Looc sa Occidental Mindoro.

Itong tectonic earthquake ay may lalim na 121 kilometro.

Sabi ng Phivolcs, naramdaman ang Intensity IV sa Looc, Lubang, Mamburao, Paluan, at Sablayan na pawang sa Occidental Mindoro; at Tagaytay City.

Intensity II naman sa Makati City; Quezon City; Mandaluyong City; Malabon City; Muntinlupa City; at Pasig City.

Naitala rin ang mga sumusunod na Instrumental Intensity:

Intensity IV – Puerto Galera, Oriental Mindoro;
Intensity III – San Jose, Occidental Mindoro; Roxas, Oriental Mindoro;
Intensity II – Bacoor City; Las Piñas City; Muntinlupa City; Calumpit at Plaridel, Bulacan; Dolores, Quezon; Carmona, Cavite;
Intensity I – Marikina City; Quezon City; San Juan City; Guagua, Pampanga; Gumaca at Mauban, Quezon; Marilaoa at San Rafael, Bulacan; Talisay, Batangas

Hindi inaasahan ang pinsala pero inaasahan ang mga aftershock o kasunod na lindol, ayon sa Phivolcs.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?