284
catanduanes1
May 5, 2018 @ 17:38
By

Lindol na tumama sa Catanduanes, itinaas sa magnitude 6.0

Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na niyanig ng magnitude 6.0 na lindo ang lalawigan ng Catanduanes nitong hapon ng Sabado.

Ang pagyanig ay unang napaulat na magnitude 5.9 at naramdaman dakong alas- 2:19 ng hapon nitong Sabado (Abril 5) na ang lokasyon ng epicenter ay 46 kilometers northwest ng Pandan, Catanduanes.

Naramdaman din ang Intensity 4 sa Irosin, Sorsogon; Legazpi City; Iriga City; Jose Panganiban, Camarines Norte; Alabat, Quezon at Ligao, Albay; Intensity 3 naman sa Obando, Bulacan; Guinayangan, Lopez; Infanta, Quezon; Sorsogon City, at Marikina City; Intensity 2 sa Masbate City; Lucban at Mauban, Quezon; Masbate, Masbate; Catbalogan, Samar; Cabanatuan City; Palo, Leyte, at Quezon City, habang Intensity I sa Tagaytay City; Lucena at Dolores, Quezon; San Ildefonso, Bulacan; Guagua, Pampanga, at Malabon City.

Nabatid na sa naturang pagyanig ay bahagyang nawasak ang sementadong sahig sa bahay ng Bayan Patroller na si Kaye Tan sa Barangay Mantalisay, bayan ng Libmanan, Camarines Sur.

Nabatid na una nang naramdaman ng mga residente ng Catanduanes ang 4.6 lindol ng alas-10:18 ng umaga ng Sabado at nasundan lamang kaninang hapon, kung saan ang epicentre ay naitalang nasa 19 kilometers southeast ng Baras, habang Intensity 2 naman sa Sorsogon City.

Wala namang napaulat na nawasak na mga gusali, namatay at nasugatan sa naganap na pagyanig.

Posible umanong magkaroon pa ng ‘aftershocks’, ayon sa Phivolcs.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?