60

Jun 24, 2020 @ 15:23
By

Limitasyon ng operasyon ng salon, barbershop pinarerekonsidera

Pinarerekonsidera ni ACT-CIS Rep. Niña Taduran sa Department of Health (DOH) at sa Department of Trade and Industry (DTI) ang desisyon nitong limitahan lamang ang operasyon ng mga salons at barber shops sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Ayon kay Taduran, mas malaki ang nawawalang kita ng mga may-ari ng salon at barbershop gayundin ang mga empleyado dahil limitado lamang ang kanilang serbisyo sa hair cutting.

Bukod dito, marami rin sa kanilang mga kliyente ay senior citizen pero hindi pinapayagang pumunta sa mga salon at barbershop.

Dahil dito ay kanya-kanyang diskarte ang mga hairdressers para madagdagan ang kita sa pamamagitan ng home service kung saan hindi lamang gupit kundi pati ibang serbisyo tulad ng pagpapakulay ng buhok, hair treatment, manicure at pedicure ay kanilang ginagawa.

Ngunit tinukoy ng kongresista na mas delikado ang home service sa banta ng COVID-19 transmission.

Dahil dito, apela ni Taduran na payagan na ang ibang serbisyo na iniaalok ng mga salon at barber shop kaakibat ng mahigit na pagsunod sa health protocols.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?