860

Sep 10, 2019 @ 13:58
By

Limang maling pananaw tungkol sa suicide

Isang tao ang nagpapakamatay kada 40 segundo, at suicide ang pangalawang nangungunang dahilan ng pagkamatay ng kabataan, ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO) kahapon, Setyembre 9.

Dagdag ng WHO, madalas nagpapakamatay ang mga taong may edad 15 hanggang 19 matapos ang pagbubuntis sa mga babae, at aksidente sa kalsada o interpersonal violence sa mga lalaki.

Para gunitain ang World Suicide Prevention Day ngayong Setyembre 10, narito ang ilang mga maling paniniwala sa nasabing sakit:

1. “Nagpapapansin/Nag-iinarte lang sila.” Madalas, ‘yung mga taong nagpapakamatay ay nagkukuwento muna ng nararamdaman nilang lungkot. Seryosong nahihirapan sila at hindi alam ang gagawin kung kaya naiisip na solusyon ang pagpapakamatay.

2. “Baliw at tanga lang ang nagpapakamatay.” Kahit sino, pwedeng magtangkang kitilin ang sarili–kahit pa walang mental health disorder. Karamihan sa mga nagsu-suicide ay sobrang nahihirapan, nagagalit, nalulungkot, o nawawalan na ng pag-asa sa kanilang sitwasyon sa buhay.

3. “Hindi nagbababala/humihingi ng tulong ang mga taong nagpapakamatay.” Madalas, mayroong mga warning sign–dapat seryosohin ang anumang banta nila ng pananakit sa sarili o pagkitil ng buhay, sa salita man o sa kilos.

4. “Kapag nagdesisyon na ang isang taong magpakamatay, hindi mo na siya mapipigilan.” Gusto lang nilang matapos ang nararamdaman nilang sakit o kabigatan sa buhay. Kapag kumakausap sa isang taong nagtatangkang magpakamatay, huwag manermon o manghusga–kailangan nila ng taong magbibigay sa kanila ng emosyonal na suporta para harapin ang buhay.

5. “Mati-trigger lang ang isang tao kapag inusisa mo tungkol sa tangka nitong pagpapakamatay, kaya mas mabuting huwag na lang pag-usapan.” Importanteng makipag-usap sa tao tungkol sa ideya nitong magpakamatay dahil dito mo malalaman ang kanilang naiisip at motibo. Sa ganitong paraan, hinahayaan mo rin silang magkaroon ng panahong pag-isipan ang desisyon.

Narito ang ilang hotline para sa mga suicidal o mga may kakilalang suicidal: 896-9191 o 0917-854-9191 (Manila Lifeline Centre), 0917-899-8727 o 0917-989-8727 (National Center for Mental Health), at 804-4673 o 0917-558-4673 (Hopeline PH).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?