99
jv-ejercito-ginhawa-ng-bayan
Dec 16, 2017 @ 16:26
By

Ligtas ba ang ating mga anak sa Dengvaxia?

Agad nagpapulong ang Senado upang imbestigahan ang bagong clinical findings ng Sanofi Pasteur tungkol sa Dengvaxia.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, narito­ tayo upang alamin ang katotohanan sa likod ng mabilisan at maramihang pagbili ng Department of Health sa bakunang ito na kontra-dengue.

Umaasa rin tayo na sa pamamagitan­ ng imbestigasyon, mabibigyang-linaw ang publiko sa totoong epekto ng Dengvaxia­ sa mga batang naturukan sa tulong ng kasagutang mabibigay ng Department of Health, mga eksperto, at iba pang resource persons.

Personal po akong apektado sa isyung ito. Ang akin pong labing pitong taong gulang na anak ay nabigyan ng tatlong turok nito.

Kaya naman, habang patuloy na nag-iimbestiga ang Senado­ at ang task force ng DOH, inuudyok natin ang DOH na gumawa ng public advisory para kumalma ang mga magulang ng 830,000 na batang nabakunahan ng Dengvaxia.

Sa ngayon, ang pinakamahalaga sa ­aming mga magulang ay ang kapakanan at kaligtasan ng aming mga anak.

Umaasa kaming masasagot ang mga tanong na ito: “Ligtas ba ang aming anak?”, “Kailangan ba namin silang dalhin sa ospital at patingnan sa doktor?”, “Magkakasakit ba ang aming anak?”

Gusto nating tugunan ng gobyerno ang mga tanong na ito dahil maaaring nakataya ang buhay ng 830,000 na­ting kabataan.

Bukod riyan, napa­kalaki ng pondong ginugol ng gobyerno – tumataginting na P3.5 billion – ang ginastos natin upang bilhin ang Dengvaxia.

Umaasa tayo na sasamantalahin ng Sanofi­ Pasteur at ng DOH ang mga pagkakataong ito upang ipaliwanag ang kanilang panig sa isyung ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?