106

Dec 2, 2017 @ 18:34
By

Lider ng robbery-hold up gang, tumimbuwang sa Oplan Galugad

Patay sa engkuwentro sa mga pulis ang isang umano’y lider ng kilabot na robbery-hold up gang sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni Caloocan City Police Chief, Senior Supt. Jemar Modequillo, ganap umanong alas-10:30 ng gabi nangyari ang engkuwentro sa kahabaan ng Pechayan Street, Barangay 178, Camarin.

Kasalukuyan umanong nagsasagawa ng Oplan Galugad-Anti Crime Drive ang mga tauhan ng Caloocan Police Station 4 sa pamumuno ni PC/Insp. Narciso Cajipe sa nasabing lugar nang mamataan ang tatlong mga kalalakihang kinabibilangan ng napatay na si Mario Balagtas, nasa 30 hanggang 35 ang edad, na walang mga suot na pang-itaas at dahil malinaw na paglabag iyon sa ordinansa ng lungsod sinita ang mga ito.

Ngunit nang lalapitan na sila ng pulisya ay biglang nagtakbuhan patakas ang mga suspek.

Pumasok sa inuupahang bahay niya si Balagtas at kumuha ng .45 kalibre ng baril sa pinaulanan ng bala ang paparating na mga pulis.

Dahil dito’y nagkaroon ng shootout na ikinamatay ni Balagtas.

Ayon kay Insp. Cajipe, napag-alamang isa pala umanong pinuno ng kilabot na robbery-hold up ang nasawing suspek at nambibiktima umano ng mga estudyante at iba pang mga masaktuhan sa North Caloocan kung saan dati na rin umano itong kinilala mula sa police rogue gallery ng kanyang mga nabiktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?