50

Feb 15, 2020 @ 12:06
By

Lider ng NPA sa South Mindanao, utas sa militar

Patay ang Regional Head ng Far South Mindanao ng New Peoples Army (NPA) matapos na makipagbarilan ang grupo nang lusubin ang kanilang hideout ng mga miyembro ng Philippine Army na nagsasagawa ng Inter Agency Law Enforcement Operation Biyernes ng hapon sa Makilala, North Cotabato.

Kinilala ang napatay na suspek na si Juanita Gore, alyas Isay/Maring, bukod sa Regional Head ng Far South Mindanao ay logostic at finance head din ito ng rupo.

Sa ulat ni Brig. General Adonis Bajao, commander ng 1002nd Infantry Brigade to Eastern Mindanao, nilusob ng kanyang grupo ang hideout ng grupo ng suspek sa Sitio Lacobe, Barangay Malabuan ng nabatid na bayan pasado alas-3:00 ng hapon.

Napag-alaman na pinagsanib na puwersa ng sundalo at pulisya ang nagtungo sa lugar upang isilbi ang mga warrant of arrest laban sa suspek na ipinalabas ni Judge Magnolia C. Velez of 11th Judicial Region, RTC Branch 20, Digos City, Davao del Sur sa kasong murder at robbery with intimidation.

Nabatid na pagkakita pa lang sa awtoridad ay nagkanya-kanya ng pulasan ang grupo ni Gore at nakipagpalitan ng putok ang mga ito na tumagal lang ng may limang minuto bago mabilis tumakas ang mga rebelde at iwan ang bangkay ng kanilang pinuno.

Bukod sa bangkay ni Gore ay nakakuha pa ang awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng isang M14 armalite rifle, 1 kalibre .38 baril, mga landmine at sangkap sa paggawa ng bomba at mga subersibong dokumento ng samahan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?