278

By

Lider ng Fajardo Group, 2 galamay tumba sa engkuwentro

Patay ang pinuno ng kilabot na Fajardo Group at dalawa nitong kasama matapos manlaban sa mga pulis Huwebes ng gabi sa Cagayan de Oro City.

Kinilala ni Cagayan de Oro City Police spokeperson Police Major Evan Vinas ang nasawing suspek na si Marvin Fajardo, lider ng Fajardo Group, na nag-o-operate sa Laguna, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa nitong kasamahan.

Nabatid na alas-6:45 ng gabi nang magsagawa ng operasyon ang mga miyembro ng Special Action Force at mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group ng Laguna laban sa mga suspek matapos na matunton ng mga ito ang hideout ng grupo sa Portico II Grand Europa Subdivision sa Barangay Lumbia ng nabatid na lungsod bitbit ang arrest warrant na inilabas ng Municipal Circuit Trial Court ng Tanauan City, Batangas noong Disyembre 1, 2013.

Subalit hindi pa nakakalapit ang mga pulis sa target na bahay ay agad na silang sinalubong ng putok ng mga suspek dahilan upang gumanti ng putok ang awtoridad na ikinamatay ni Fajardo at dalawa nitong kasamahan.

Nakakuha ng mga baril at mamahaling SUV ang pulisya sa bahay ng mga suspek na ngayon ay kanila pang iniimbentaryo.

Ang Fajardo Group ay isang notoryus na grupo na sangkot sa iba’t ibang krimen katulad ng kidnapping, extortion, robbery at iba pa.

Nag-o-operate sila hindi lang sa Laguna kundi maging sa mga karatig na lugar katulad ng Batangas at Cavite gayundin sa Metro Manila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?