65

By

Lider ng criminal group, 1 pa todas sa buy-bust sa Caloocan

Patay ang lider at isa pang miyembro ng criminal group na sangkot umano sa pagtutulak ng iligal na droga at pagbebenta ng baril, habang apat na iba pa ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR), Sabado ng hapon sa Caloocan City.

Kinilala ang nasawing mga suspek na sina Nelson Lorenzo, lider ng grupo, at Mike Sultan, pawang nasa hustong gulang, habang nasakot naman ang apat pang miyembro ng grupo na sina Julius Abeja, Imelda Navida, Randy Camsalim, at Jesus Maclang.

Ayon kay Police Col. Ronald Hipolito, hepe ng NCR Regional Field Unit ng CIDG, isang buy-bust operation ang kinasa nila laban sa grupo sa Phase 9 PKG 7A, Blk 19, Lot 18 at 19, Bagong Silang, Caloocan City dakong alas-3:30 ng hapon, Oktubre 19, 2019.

Isang operatiba ang nagpanggap na poseur buyer at bumili ng kalibre .38 baril kay Lorenzo sa halagang P3,500 subalit sa gitna ng transaksiyon ay nakahalata umano ang suspek na pulis ang kanyang ka-transaksyon, bumunot ng baril at pinaputukan umano ang police poseur buyer na hindi tinamaan.

Nagkaroon umano ng palitan ng putok ang mga operatiba at grupo ng suspek hanggang mapatay sina Lorenzo at Sultan, habang nadakip naman ang apat na iba pa kung saan sugatan din ang isa sa mga ito na si Camsalim.

Nakuha umano sa mga suspek ang dalawang kalibre .38 na baril, isang sumpak o improvised shotgun, mga sachet ng shabu na tinatayang aabot sa 100 gramo na may street value na P200,000.

Ayon pa kay Hipolito, ang nasabing grupo ay nag-ooperate sa Camanava (Caloocan, Malabon, Navota, Valenzuela) area na sangkot sa gunrunning, gun for hire, robbery hold-up at pagbebenta ng iligal na droga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?