230

By

Lider ng assassination squad ng NPA, patay sa Laguna

Sharing is caring!

Nasawi ang isang lider ng assassination squad ng New People’s Army (NPA) habang apat pa ang sugatan sa naganap na bakbakan habang papasok ng checkpoint ang mga rebelde, kamakalawa sa bayan ng Pangil sa Laguna.

Batay sa report na nakalap mula kay 1st Lt. Felise Vida Solano, Public Information Officer ng Southern Luzon Command (Solcom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nakilala ang nasawi na si Ismael Criste alyas “Ka Maeng,” kilalang lider ng assassination squad ng NPA at kasapi rin ng Special Partisan Unit (Sparu) at lider din ng Rebolusyonaryong Buwis Para sa Kaaway na Uri ng NPA.

Nakilala ang mga sugatang rebelde na sina Felicidad Villegas, 60-anyos; Luis Alano Jr., 44- anyos; Shirley Martinez, 47-anyos; at Cristy Lacuarta, 30-anyos na naaresto ng mga otoridad sa naganap na bakbakan sa Barangay Dambo sa Laguna.

Nabatid na pinara ng mga pulis sa checkpoint ang isang kulay pula na sasakyan na lulan ng mga rebelde at agad na nagpaputok ng baril ang mga suspek.

Ayon kay Calabarzon police director Chief Supt. Guillermo Eleazar, una nang nagsagawa ng surveillance operation ang Pangil PNP upang matiyak ang kalagayan ng mga rebelde sa nasabing lugar at malaman ang planong pag-atake nito laban sa mga sundalo.

Nakumpiska mula sa mga rebelde ang dalawang kalibre 45 na baril, isang sub-machine gun na may mga bala, dalawang granda at ilang mahahalagang dokumento.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?