40

Dec 22, 2017 @ 13:31

Libu-libong residente, hindi pa nakakabalik sa Marawi

Libu-libo pa ring residente ng Marawi City ang hindi nakababalik sa kanilang mga tahanan at patuloy na nangangailangan ng ayuda at atensiyon.

Ayon sa International Committee of the Red Cross o ICRC, ang mga nanunuluyan ngayon sa Lake Lanao na nagmula sa lugar ng Marawi kung saan malala ang giyera ay umaasa na lamang sa tulong ng kanilang mga kamag-anak, otoridad at mga organisasyon na nagkakaloob ng tulong.

Kamakailan ay nakapamahagi ang ICRC ng mga pagkain at mga personal na gamit sa libu-libong katao na nasa Lanao del Sur.

Mula Disyembre 13 hanggang 15, magkatuwang ang ICRC at Philippine Red Cross sa pagrarasyon ng kalahating buwang supplies ng 16,500 na residente mula sa limang munisipalidad ng Lanao del Sur.

Bawat pamilya ay tumanggap ng 25 kilo ng bigas, isang litro ng toyo, isang litrong mantika, 12 piraso ng de-lata, isang kilong asukal, kalahating kilo ng asin, dalawang jelly can na maaaring lagyan ng hanggang 20 litro ng tubig at mga personal hygiene items.

Kaugnay nito, tiniyak ni ICRC delegate Meher Khatcherian na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga otoridad, sundalo at mga NGO sa lugar upang maintindihan ang kanilang ginagawa at payagan silang makapagdala ng relief goods sa mga apektado ng giyera.

“We are in contact with the authorities, armed forces and non-state armed groups at the local level so they understand who we are and allow us to deliver our humanitarian response… To optimize available resources, we coordinate the distribution work with the main government agencies and other organizations. While they support the displaced people in the west of Lake Lanao, we focus on the eastern part,” sabi ni Khatcherian. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?